Concept paper
Repeal RA 11203 Rice Liberalization Law! Enact House Bill 477 Rice Industry Development Act!
Enero – Marso 2020
- Sa pagpasok ng taong 2020, tuluy-tuloy ang paglulunsad ng kampanya laban sa palalang krisis sa produksyon ng palay, pagbagsak ng presyo at pagkalugi ng mga magsasaka, pagsusulong sa panawagan ng mamamayan na ibasura ang RA 11203 Rice Liberalization Law (RLL) at pagpapabaya ng rehimeng US-Duterte sa napipintong tuluyang pagkawasak ng National Food Security ng bansa. Kaaakibat nito, ipinapawagan ng mamamayan ang Repeal RA 11203 at pagsaabatas ng House Bill 477 Rice Industry Development Act (RIDA) na inihain ni GWP rep. Arlene Brosas at Makabayan bloc sa kongreso nitong 18th Congress.
- Signipikante na ang inabot natin nitong nakaraan para makapaglinaw sa masa, makapagkonsolida ng ating hanay at pagmaksimisa ng kampanya para maabot pa ang ibang sektor kaugnay sa isyu. Kung kaya’t, napakahalaga na muli tayong makapagrehistro ng ating pagtutol at pagbasura sa RA 11203 RLL, lalupa’t sa darating na Pebrero 14, 2020 ay unang anibersaryo ng pagsasabatas nito. Gayundin, ang buwan ng Marso ay panahon ng anihan, kung saan, muling mararanasan ng mga maralitang magsasaka ang hagupit ng batas na ito.
- Pinaghahandaan ng Bantay Bigas at Amihan National Federation of Peasant Women bilang national secretariat kasama ang iba’t ibang organisasyon ang paglulunsad ng kampanya at build up activities na may pamagat na “Rise for Rice! Junk Rice Liberalization” mula Enero 6 hanggang sa Pebrero 14 at Marso 5, 2020. Bilang build up activities, tuluy-tuloy ang paglulunsad ng mga protesta, dayalogo, serye ng Rise for Rice forum, mga talakayan, street conference, agro-ecology fair, lobbying, pagsumite ng position papers, paglalabas ng mga propaganda materials, palengke hopping, pagtutusok ng mga panawagan sa mga palayan, petition signing at iba pa.
- Mga ilang mayor na punto:
Ang RA 11203 ay kontra-Pilipino o pagsunod sa dikta ng dayuhang monopolyo o sa World Trade Organization (WTO), kung saan ang bansa ay nangakong tanggalin ang Quantitative Restriction sa imported na bigas, sa gitna ng alam nating lahat na ang antas ng produksyon ng palay ay atrasado, pyudal at mala-pyudal. Sa madaling salita ay hindi makakapag-kumpetensya sa antas ng produksyon ng ibang bansa tulad Vietnam at Thailand.
Mula pa sa pagpasok ng bansa sa WTO noong 1995, palagian nang nirereklamo ng mga magsasaka ang pagbaha ng imported rice sa lokal na merkado dahil pinapabagsak nito ang presyo ng palay o farm gate price. Sa maraming protesta ng Bantay Bigas, ito ang palagiang babala sa gubyerno kontra pagsasabatas ng RA 11203.
Mismong resulta ng liberalisasyon ang pagkawala ng murang bigas tulad ng NFA rice, at mga bigas na nahihila nito ang presyo (ito ang pagtanggal ng regulatory power ng estado), at nagtitiis na lamang ang mga mamamayan sa mas mahal na commercial rice sa P32 hanggang P50 kada kilo (ang kalayaan ng pribadong monopolyong itakda ang presyo). Sa gitna ng pagpapatupad ng TRAIN Law, at kronikong krisis pang-ekonomiya sa bansa, walang ibang tunguhin ang presyong ito kundi pataas na kasingkahulugan ng malalang kahirapan at kagutuman.
Ang pagbagsak ng presyo ng palay ay nangangahulugan ng pagkalugi, pagkakabaon sa utang, at sa kalauna’y pagkatanggal sa lupa ng mga magsasaka. Sinisisi ng mga magsasaka ang pambabarat na ito sa pagbaha ng imported na bigas. Ngayong Agosto 2019, bumagsak ang presyo kada kilo ng palay sa: Nueva Ecija P 7-10; Sorsogon; Laguna P9-12; Tarlac, Isabela P12 – 14 at iba pa. Abnormal din na mababa ang farm gate price noong Marso, na dapat na mataas nito.
Malinaw sa simula ng pagpapatupad ng RA 11203, ang maling paratang na kapag itinaas ang presyo ng palay ay magmamahal ang presyo ng bigas, dahil kabaligtaran nga ang naganap o walang pagbaba ng presyo ng bigas ang napakinabangan ng mahihirap na mamamayan. Walang kaduda-dudang ito ay bunga ng “liberalisasyon” o ang “kalayaan ng pribadong sektor”dahil sa tinanggal na regulatory powers ng estado para i-estabilize o kontrolin ang presyo.
Malaki ang pananagutan ni Pangulong Duterte sa “rice shortage”at pagtransporma sa hugis ng agrikultura at kultura ng bansa. Kasaysayan na ng mamamayang Pilipino ang paglikha ng sariling pagkain, laluna ang palay, upang hindi lumubog sa kagutuman at kahirapan. Ngunit sa ilalim ni Duterte, itinulak niya ang mamamayang Pilipino sa hanay ng mga nagmamakaawa sa murang pagkain sa buong mundo, at makikiaagaw pa sa suplay ng surplas na pagkain sa world market na sana ay para sa kapakinabangan na ng ibang bayang may problema sa produksyon at suplay ng pagkain.
Hindi sagot ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), isang probisyong ng RA 11203, bilang suporta ng gubyerno sa mga magsasaka sapagkat 10% or P1 bilyon lamang sa P10 bilyong budget nito ay nakalaan sa credit o pautang sa mga magsasaka. Napakaliit nito bilang suporta sa mga magsasaka na lalupa ngayon ay nakakaranas ng pagbagsak ng presyo ng mga palay. Ang RCEF ay kapareho ng ACEF na magagamit lamang sa korapsyon ng mga nasa gubyerno.
Hindi sagot ang Conditional o Unconditional Cash Transfer na itinutulak ng bagong DA secretary William DAR at iba pana planong ipamigay sa mga magsasaka sa palayan na apektado ng RA 11203 or Rice Liberalization Law. Hindi nito sinasagot ang ugat ng kahirapan ng mga magsasaka. Ito ay band-aid solution at pakitang-tao lamang ng gubyerno. Nakikita namin na, ito ay lantarang pag-amin ng gobyerno na pahirap at kontra-magsasaka ang Rice Liberalization at tama ang mga pagtutol ng mga magsasaka at mamamayan bago pa isabatas ang RA11203. Dagdag rito, ito ay counter-insurgency measure, kahawig ng ipinatupad na CCT o Kalahi-CIDSS sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo, para pigilin ang pag-aaklas ng mga magsasaka bunga ng bagsak na kabuhayan dahil sa Rice Liberalization. Ang tanging solusyon para isalba ang mga magsasaka mula sa kahirapan ay pagbasura ng RA11203, at proteksyon ng karapatan nila sa lupa.
Sa halip na umasa ang bansa sa imported na bigas,ang tanging solusyon ay pagkakaroon ng kumprehensibong programa sa produksyon, subsidyo o suporta ng gubyerno sa produksyong agrikultural at kaseguruhan/ kasapatan sa pagkain para maresolba ang krisis sa bigas na nasa balangkas ng pagpapatupad ng Tunay na Reporma sa Lupa at Pambansang Indstriyalisasyon. Ang mga magsasaka na pangunahing tagapaglikha ng pagkain ng bansa ay dapat magkaroon ng lupa at kasabay nito’y pagpapaunlad ng mga mekanisisasyon sa agrikultura at libreng pagpapatupad ng irigasyon sa mga sakahan.
- Patuloy na naninindigan ang Bantay Bigas laban sa palalang krisis sa industriya ng palay at bigas na bunga ng neoliberal na patakarang sinasalamin ng Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law, na sa paglalapat sa kalagayang kawalang Tunay na Reporma sa Lupa ay walang ibang patutunguhan kundi ang tuluyang pagkawasak ng National Food Security, Self-Sufficiency at Self-Reliance, o malawakang kagutuman ng mamamayan.
Ang sumusunod ang mga Kagyat na Solusyon para maresolba ang krisis sa bigas sa bansa, na bunga rin 3rd National People’s Rice Congress na ginanap noong Abril sa Quezon City, ang aming mga panawagan ay ang sumusunod:
- Magbigay ng production support, suportang serbisyo at subsidyo sa mga magsasaka kagaya ng binhi, libreng irigasyon at akmang post-harvest facilities.
- Itaas ng P20 kada kilo ang presyo ng palay.
- Palakasin ang NFA at kanilang mandato para i-garantiya ang kaseguruhan ng pagkain ng bansa at i-istabilisa ang supply at presyo ng bigas sa pamilihan. Gayundin, pataasin ng NFA ang pagbili sa lokal na palay sa mga magsasaka.
- Partikular sa gubyerno, magtakda ng price control sa presyo ng bigas o kaya’t maglabas ng Executive Order kaugnay nito.
- Maglunsad ng seryosong imbestigasyon, buwagin at pagpanagutin ang mga pribadong monopolyo sa industriya ng bigas sa bansa.
- Suportahan ang HB 476 – Repeal RA 11203 Rice Liberalization Law at Isabatas ang House Bill 239 – Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at HB 477 – Rice Industry Development Act (RIDA) na ang direksyon ay pagkakamit sa self-sufficiency at kaseguruhan ng pagkain ng bansa.
- Itigil na ang pag-import ng bigas mula sa ibang bansa at kagyat na umalis ang Pilipinas sa pagiging miyembro nito sa WTO-AoA.