“Hindi na kami nabigla sa panukala ng DILG na magkaroon ng certification mula sa LGU ang lahat ng mga grupong maglulunsad ng relief operations para sa mga maralitang biktima ng lockdown. Bahagi ito sa kabuuang pag-atake sa karapatan ng mamamayan at mga organisasyong nais tumulong sa panahon ng kalamidad. Gumagawa sila ng bahagdan sa halip na paluwagin at pabilisin ang pagbibigay ng pangangailangan sa mga taong nagugutom at nangangailangan. Nagbubukas ito sa pagpapataw ng kung anu-anong arbitraryong rekisito bago i-isyu ang certification, o kaya nama’y mag-disqualify ang mga ito,” ayon kay Zenaida Soriano, Tagapangulo ng Amihan National Federation of Peasant Women.
Ayon sa grupo, na kasama sa mga naglulunsad ng relief operation simula pa nang magdeklara ng lockdown sa Luzon si Pangulong Duterte, malaki ang tulong ng pamimigay ng relief packs at pagtatayo ng mga community kitchen na may hot meals para sa mga pamilyang magsasakang apektado. Laluna ito na hindi o kaya’y kulang ang natatanggap nilang ayuda mula sa gubyerno. Nang manawagan ang grupo ng suporta, napakaraming indibidwal at organisasyon ang tumugon, kabilang ang mga women rights at food security advocates, mga artista, mag-aaral at iba pang sektor. Umabot na sa mahigit 500 pamilyang magsasaka at mangingisda ang nabiyayaan sa pamamagitan ng Support the Food Security Frontliners relief mission, bahagi ng Oplan Sagip Kanayunan at Tulong Anakpawis, sa probinsya ng Cagayan, Isabela, Bataan, Albay, Camarines Sur, Sorsogon at Cavite.
“Ang panukalang ito ay atake sa mga progresibong organisasyon para pigilan kaming maglunsad ng mga relief operations. Karugtong ito ng iligal na pag-aresto at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso ng PNP sa dating kinatawan ng Anakpawis Partylist na si Ka Ayik Casilao at mga volunteers ng Sagip Kanayunan at Tulong Anakpawis sa Norzagaray, Bulacan. Para pigilan ang mga aktibista’t progresibo na makatulong at maugnayan ang maraming mamamayang pinabayaan ng gubyerno, nag-iimbento sila ng mga hakbang na ganito,” dagdag ni Soriano.
Pinanawagan ng grupo na magkaisa ang mamamayan sa pagtutol sa anunsyong ito at lalo pang pasikhayin ang paglulunsad ng napakaraming relief operations para sa mga nangangailangang sektor.
“Ayuda ang kailang ng mga pamilyang magsasaka at maralita, hindi pambabara sa mga gustong tumulong. Ang tunay na diwa ng bayanihan ay nasa mamamayan, at kitang kita natin ngayon na sinasabotahe pa ito ng rehimeng Duterte,” pagtatapos ni Soriano. ###