Sa limang taon ni Duterte, umaabot sa 340 magsasaka ang pinaslang kung saan 44 ay kababaihang magbubukid, 81 kababaihang magbubukid na bilanggong pulitikal at may libo-libong biktima ng red-tagging, forced surrender at militarisasyon sa kanayunan sa buong bansa.
Sa Bicol, ayon sa datos ng KARAPATAN Bikol hindi bababa sa 116 ang biktima ng pamamaslang. Ang madugong pagpatay kina Jaymar at Marlon noong Hulyo 25 habang nagpipinta ng hindi natapos na “Duterte Ibagsak” ay nagdulot ng matinding sakit sa mga pamilya nito katulad nang nararamdaman ng iba pang naulilang mga asawa at anak ng mga biktima ng pamamaslang sa Kabikolan. Sa kasalukuyan, may di bababa sa 30 na bilanggong pulitikal kabilang dito sina Digna Aquilino, Nelsy Rodriguez at Sasah Sta. Rosa na pawang mga kaagapay at kasama ng magsasaka sa pagsusulong ng mga pakikibaka para sa Tunay na Reporma sa Lupa at tunay na pagpapaunlad ng agrikultura.
Gayundin, si Elwin Mangampo na isang lider mangingisda at kasalukuyang tagapangulo ng LAMBAT-Bicol ay nakapiit pa rin dahil sa gawa-gawang kaso na nagdulot ng pighati sa asawa, anak at sa buong pamilya nito.
Sa halip na ayuda, bakuna at komprehensibong serbisyong pangkalusugan ay matinding militarisasyon ang isinasagawa sa pagpapatupad ng Retooled Community Support Program (RCSP) at Focused Military Operations (FMO). Sa halip na ilagay sa ayuda at serbisyong medical ang bilying-bilyong pondo ng walang pakinabang na NTF-ELCAC ay itinutulak pa ito ng rehimeng Duterte na madagdagan. Ang NTF-ELCAC kasama ang DND, AFP at PNP ay ang naghahasik ng terorismo para patahimikin ang lahat ng kritiko na aktibong naglalantad ng kainutilan ng rehimeng Duterte at naging balon pa ng kaliwa’t kanang korapsyon ng mga nagpapatupad nito.
“Paraoma Kami Bako Terorista”! Ito ang isinisigaw ng kababaihang magbubukid sa Kabikolan. Ang limang taon na pagbibi-bingihan ng rehimeng Duterte sa panawagan ng mamamayan at sa kanyang kriminal na kapabayaan ay itinulak nito ang mamamayang Bikolano nang higit na pagtindig, pagkilos at paglaban. Para kina nanay Jenifer, Maricel, Alma, Imelda, Thess, Concing, Maritess, Daisy, Joan, Nancy, Jen, Menyang, Soling, at libo-libo pang nanay at kababaihang magbubukid ay malakas na nananawagan ngayon ng “Wakasan na si Duterte.”