Malaki ang pananagutan ni Pangulong Duterte sa mga magsasaka at mamamayang Pilipino dahil sa kanyang malinaw na pagwasak o destruksyon sa lokal na industriya ng palay at bigas, at “National Food Security” ng bansa. Sa halip na paunlarin ang lokal na produksyon, umasa sa importasyon at niyakap nito ang liberalisasyon sa agrikultura kagaya ng pagsasabatas ng Republic Act 11203 Rice Liberalization Law noong Pebrero 2019 at pagpirma sa Executive Order No. 135 nitong Mayo 2021 para babaan ang taripa ng rice imports mula 40% papuntang 34% sa loob ng isang taon para sa Most Favored Nations (MFN).

Sa mahigit dalawang taon ng RA 11203 o Rice Liberalization Law, patuloy na nalantad ang pagkabangkarote nito sa kabiguan nitong paunlarin ang kalagayan ng mga magsasaka sa palayan at gawing abot-kaya ang bigas sa maralitang mamamayan, mga manggagawa, maralitang tagalungsod, magsasaka at iba pang sektor sa kanayunan.

Ang pagbaha ng imported na bigas ay nagpabagsak pa lalo sa kabuhayan ng mga magsasaka, nagbaon sa kanila sa utang at nagpatalsik sa kanilang mga sakahan. Palagian nang sinasangkalan para sa pambabarat sa presyo ng palay ang bumabahang “murang” imported na bigas at ibinabangga pa ito sa panahon ng anihan. Ang murang presyo ng palay na binabangga sa tumataas na gastos sa pagsasaka, sa kasalukuyan bunsod ng TRAIN law, ay awtomatikong magtutulak sa mga magsasaka sa pagkalugi at pagkautang.

Sa mga kontra-mamamayan at kontra-magsasakang patakaran ng rehimeng Duterte, ang nakikinabang lamang ay ang mga komprador, haciendero, burukrata-kapitalista at trader, habang ibinalibag sa kagutuman at kahirapan ang mga maralitang sektor na konsyumer: manggagawa, maralitang tagalungsod; at mga prodyuser na: mga magsasaka, kababaihan at kabataang magbubukid, mga manggagawang bukid at iba pa.

Sa walang katapusang lockdown, at sunud-sunod na kalamidad lalong nalantad lalo pang kainutilan ng rehimen Duterte. Sa inilunsad na National Food Security Summit ng Department of Agriculture noong Mayo 2021, hindi tinumbok ang mga pundamental na ugat ng krisis sa pagkain, at sadyang hindi kinilala ang mga magsasaka “Food Security Frontliners.” Walang ibang bukambibig ang summit na ito kundi liberalisasyon ng agrikultura, pangunahin ang pagtutulak ng importasyon, pag-akit sa dayuhang monopolyo para mamuhunan, at mga palabok na moderno kunong pamamaraan para sa marketing at promosyon.

Kasaysayan at kultura na ng mamamayang Pilipino ang paglikha ng sariling pagkain, laluna ang palay, bilang pundamental na sosyo-ekonomiko at kultural na aktibidad laban sa kagutuman at kahirapan. Ngunit sa ilalim ni Duterte at pagpapakatuta sa World Trade Organization (WTO), tinransporma niya ang mamamayang Pilipino, mula sa tagapaglika ng sariling pagkain, tungong pulubi ng imported na bigas at pagkain. Makikiagaw pa ngayon ang bansa sa surplas na pagkain sa pandaigdigang suplay, sa halip na ambag na sana ng sambayang Pilipino ang sariling produksyon para maresolba ang kagutuman sa mundo, at matulungan ang ibang lipunan na nakalugmok sa kagutuman.

Maaaring i-download ang kopya ng praymer sa link na ito: https://drive.google.com/file/d/1V9c-8ddY9BC-nylnbd1a-60nJimapUYN/view?usp=sharing

Junk Rice Liberalization Law! Enact RIDA and GARB, now!

Presyo ng palay, itaas! Presyo ng bigas, ibaba!

Tunay na Reporma sa Lupa, Ipaglaban!

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Follow by Email