Konteksto

Ngayong 2021, maglulunsad ang United Nations, sa pangunguna ni UN Secretary-General António Guterres kasama ang mga internasyunal na institusyong pampinansyal, pribadong entidad, at maging mga champions ng Green Revolution sa iba’t ibang parte ng daigdig, ng isang Food Systems Summit na naglalayong maghain ng mga reporma at direksyon ang kasalukuyang sistema ng pagkain.

Sa katunayan, hindi na maitatatwa ang mahigpit at malawak na kontrol ng mga korporasyon sa kasalukuyang sistema ng pagkain na nagtutulak ng industrial monoculture plantations, chemical-intensive farming, gene editing, at iba pang inobasyon na naglilingkod para sa labis na tubo. Kalakip ng ganitong sistema ang tuluyang pagkasira ng kalikasan bunsod ng labis-labis na pagkamkam ng mga likas-yaman, pananamantala ng murang lakas-paggawa, at pagbagsak ng mga surplus na produkto sa underdeveloped Third World na nagdudulot ng malawakang problema ng kagutuman, malnutrisyon, at pagiging palaasa ng mga bansa sa commodity imports. Bagama’t matagal nang nagaganap, higit lalong isiniwalat ng pandemyang COVID-19 ang problemang ito sa sistema ng pagkain sa daigdig.

Sa Pilipinas, malaki ang sinirit ng bilang ng mga nakararanas ng imboluntaryong kagutuman, pagkalugi at nawalan ng kabuhayan matapos ang isang taon ng mga lockdown bunsod ng pandemya. Kasabay nito ang pagbagsak ng rice self-sufficiency rate na nagpanatili sa bansa bilang numero unong importer ng bigas sa nagdaang dalawang taon. Sa bisa ng Rice Liberalization Law, higit lalong nalantad ang kabiguan nitong gawing abot-kayang bigas sa maralitang mamamayan at paunlarin ang kalagayan ng mga magsasaka sa palayan. Dalawang taon malipas ang implementasyon nito, umabot na sa P90B ang lugi ng mga magsasaka sa palayan at hindi natugunan ang mga batayang suliranin sa usapin ng bigas, pagkain, at sa kabuuan ng agrikultura sa Pilipinas. Bagkus, pinalala pa nito ang kasalukuyang sitwasyon.

Sa ganitong lagay, ilulunsad ang Rice Stakeholders Workshop sa pangunguna ng Agroecology X, Bantay Bigas, AMIHAN at MASIPAG kasama ang iba’t ibang pormasyon at indibidwal na kalahok sa industriya ng palay para magtalakay hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng industriya at bumuo ng mga kaisahan, resolusyon, at mga rekomendasyon para sa direksyon at dapat gawin sa sistema ng pagkain at agrikultura sa bansa.

Layunin

  1. Matipon ang iba’t ibang mga pag-aaral at datos hinggil sa kasalukuyang sistema ng palay sa bansa – mula sa binhi, produksyon, hanggang sa pagpoproseso, trade at pagsasapamilihan, at mga palisiyang nagiimpluwensya dito
  2. Mabuo ang isang paunang pagbasa sa umiiral na sistema ng palay sa bansa at mga rekomendasyon
  3. Maging batayan ang nasabing pag-aaral sa pagbubuo ng nakakaisang pananaw sa umiiral na sistema ng pagpapalay sa gaganaping Rice Summit sa Abril 12, 2021
  4. Maging bahagi ang nasabing pag-aaral sa pagbubuo ng isang parallel national report sa National Peoples’ Food Summit ngayong August 2021

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Follow by Email