Kababaihang magbubukid, tumitindig at lumalaban para sa karapatan sa lupa, pagkain, at kabuhayan!
Sa gitna ng matinding dagok ng militaristang pagtugon ng rehimeng Duterte sa pandemya, laganap na kawalang lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka, lumalalang kahirapan at kagutuman dahil sa liberalisasyon sa agrikultura at mga neoliberal na patakaran at tumitinding militarisasyon at atake sa mamamayan, patuloy na tumitindig at lumalaban ang kababaihang magbubukid upang igiit ang karapatan sa lupa, pagkain at kabuhayan.
Buhay at bukid
Sa lupa at pagsasaka nabubuhay ang pamilyang magbubukid. Mula sa kanilang pawis at sakripisyo, nakakakain hindi lamang ang kanilang pamilya kundi ang buong sambayanang Pilipino. Ngayong pandemya, higit na nakikita ang halaga ng kanilang ambag sa bansa bilang mga “food security frontliners”.
Marami sa mga magsasaka, minana pa sa mga ninuno ang pagbubungkal ng lupa. Ang lupang ninuno ng mga Tumandok, Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite, 1800s pa sinimulang sakahin ng mga magsasaka, ang Hacienda Yulo sa Canlubang, Laguna naging kanlungan ng mga magsasaka noong 1911 matapos pumutok ang Bulkang Taal habang ang mga magsasaka sa Sitio Compra, Brgy. San Mateo, Norzagaray, Bulacan, mga tenante na sa lupa noon pang 1950s.
Mula sa mga tiwangwang at masukal na lupa, unti-unti nila itong tinamnan ng palay, mais, mga gulay at prutas. Mula sa mga kita sa pagsasaka, napag-aral nila ang kanilang mga anak hanggang sa magkaroon na rin ng sari-sariling pamilya. Simple at payak ang buhay pero masaya at kontento sa anumang bunga ng bawat pagsisikap sa pagpapaunlad ng lupa.
“Tanging pagsasaka ang aming ikinabubuhay. Kahit isa akong babae, katuwang ako ng aking mga magulang lalo na ng aking ama sa pagsasaka. Pagsasaka at pagtitinda ang naging paraan naming mag-asawa upang itaguyod ang aming mga anak lalo na sa pag-aaral.” – Nanay Oya, 74 taong gulang, magbubukid sa Lupang Ramos
Salaysay ng pagpapalayas at pandarahas
Ang patuloy na pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka ang magpapakita ng kabiguan ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon na magpatupad ng isang tunay na reporma sa lupa. Sa kabila ng mga tangkang pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo, patuloy nilang binungkal at pinagyaman ang lupa. Buong-buo ang loob ng mga kababaihang magbubukid na depensahan ang kanilang lupang sakahan hindi lamang para sa kanilang sariling pamilya kundi para sa iba pang mga ina at magbubukid sa bansa.
Lupang ninuno ng mga Tumandok
Ang mahigit 30,000 ektaryang lupang ninuno ng mga Tumandok ay idineklarang military reservation noong 1962 at kalaunan ay pinaglunsaran ng Balikatan exercises. Patuloy itong ipinagkait sa mga Tumandok sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na mga batas at programa ng gobyerno tulad ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS), Indigenous People’s Rights Act (IPRA) at National Greening Program (NGP). Mariing tinututulan ng mga Tumandok ang P11 bilyon Jalaur Megadam Project na magreresulta sa pagpapalayas sa tinatayang 17,000 Tumandok at 1.2 milyong residente sa paligid dahil sa pagbaha. Ang pagdepensa ng mga Tumandok sa kanilang lupang ninuo ang naging dahilan ng marahas na pagpaslang sa siyam na lider nilang noong Disyembre 30, 2020 at iligal na pag-aresto at pagkulong sa 16 na mga magsasaka kabilang ang anim na kababaihan sa Capiz at Iloilo.
“Pwersahang binuksan ang pinto at sumigaw ng ‘Assault! Assault!’ at may tatlong kalalakihan na umakyat sa kwarto namin. Hinawakan ako ng isang lalaki habang dalawang lalaki ang humawak sa asawa ko…Tuluy-tuloy pa rin akong nagmamakaawa sa kanila. Sambit ng isang lalaki na matigas ang ulo ng asawa ko at nasaksihan kong binaril nila si Roy, kita-kitang ng aking dalawang mga mata ang pangyayari hanggang sa matumba siya.” – Analyn Giganto
Lupang Ramos
Sinaklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang 372 ektaryang Lupang Ramos ngunit hindi naipamahagi sa mga magsasaka. Sa ngayon ay nakaamba ang pagpapalayas sa mahigit 400 pamilyang magbubukid dahil sa planong pagtatayo ng transmission tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Napagtagumpayan nila ang bantang pagpapalayas ng NGCP noong Disyembre 2020 dahil sa serye ng protesta, pakikipagdayalogo sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at tuloy-tuloy na bungkalan. Makasaysayan ang papel ng kababaihan sa tatlong dekadang laban ng Lupang Ramos. Tampok dito ang kanilang pagharang sa mga goons sa pangunguna ni Nanay Masang na noon ay nakipagbuno sa drayber ng bulldozer. Ngayon, marami pang Nanay Masang ang handang tanganan ang tungkulin na ipagtanggol ang Lupang Ramos laban sa mga mangangamkam.
Hacienda Yulo
1993 inilabas ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang exemption order ng Hacienda Yulo mula sa CARP sa batayang ang lupain ay hindi agrikultural kundi residensyal at industriyal. Sa pakikipagtulungan ng mga Yulo sa Ayala, naitayo ang mga golf course, industrial park at tourist spots sa lupa. Isang housing project na bahagi ng Nuvali ang planong itayo ng mga Yulo at Ayala sa Sitio Buntog sa Brgy. Canlubang, Calamba City, Laguna sa pamamagitan ng San Cristobal Realty Development Corporation.
Noong Agosto 2020, dalawang beses nagtangkang pumasok ang mga kinatawan ng San Cristobal Realty kasama ang mga security guard. Sa kabila ng pagbabantang papuputukan sila ng baril, buong tapang itong hinarang ng mga kababaihan.
“Hindi ko iniisip na matatamaan ako. Wala akong pakialam. Buo ang loob ko, hindi ako natatakot. Kami, kahit bakuran yan, maninindigan kami. Hindi kami aalis.”– Maria Garcia, 50 taong gulang, magsasaka sa Sitio Buntog
Nitong Enero 6 at 9, giniba ng mga security guard sa ilalim ng Seraph Security Agency, Inc. ang 2 bahay ng mga magbubukid at noong Enero 24, marahas na sinunog ng mga gwardya ang 2 pang bahay sa Sitio Buntog. Binakuran ng mga gwardya ang lupa upang tuluyang itaboy ang mga magsasaka mula sa kanilang bahay at sakahan.
“Dati kahit wala kaming pera, nakakakain kami. Biglang nawala… Dati naming paraiso, ginawa nilang impiyerno.” — Dorotea Mangubat, 58 taong gulang, magsasaka sa Sitio Buntog
Norzagaray, Bulacan
Ang 75.5 ektaryang lupa ng Sitio Compra sa Norzagaray, Bulacan ay sinaklaw ng CARP noong 2005 ngunit nag-petisyon ang Royal Moluccan Realty Holdings Incorporated (RMRHI) na nakabili umano sa lupa na i-exempt ito sa repormang agraryo. Bagamat nagdesisyon ang DAR at ang Office of the President (OP) na ipamahagi ang ilang bahagi ng lupa sa mga magsasaka, sa aktwal ay nagpatuloy ang pagpapalayas at pandarahas sa kanila ng RMRHI.
“Pabalik-balik sa tanggapan ng DAR ang mga magsasaka upang iproseso ang mga kinakailangang rekisitos subalit makupad ang tugon at kadalasang ginagamit na kadahilanan ay nahihirapan sila na pasukin ang area dahil gwardyado ito. Hindi maintindihan ng mga magsasaka bakit hanggang papel lamang ang kanilang tagumpay.” — Cecillia Rapiz, Tagapangulo, Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB)
Anim sa 14 na magsasaka sa Sitio Compra ang inaresto noong Enero 14 sa kasong pagnanakaw umano ng kanilang pananim sa kanilang lupang sakahan. Nakalabas ang anim matapos magpiyansa. Nitong Pebrero 3, marahas na pinaslang ang magsasakang si Rommy Torres matapos nitong mamitas ng kalakal sa kanilang taniman. Noong 2018, dinemolish ang kabahayan ng mga magsasaka at binakuran ang lupa. Naglunsad sila ng bungkalan at naging bahagi ng ‘Bagsakan Farmers’ Market’.
Orion, Bataan
Dalawang dekada nang nagbubungkal ang mga magsasaka sa Sitio Bangad, Brgy. General Lim, Orion, Bataan. Noong Enero 14, giniba ang bahay ng nasa 70 pamilyang magbubukid sa utos ng dating tagapangulo ng GSIS na si Federico Pascual katuwang ang Sta.Lucia Realty na umaangkin sa 33 ektaryang lupa.
“Dito kami sa ilalim ng puno natutulog. Araw-araw kaming pinapalayas at pinipilit na lumabas. Nawalan po kami ng hanapbuhay. Hindi na ako makapagtinda. Hindi makapag-module ang mga anak kong nag-aaral. Wala kaming pagkukunan ng pang-araw-araw namin dahil winasak ang bahay namin. Tulad kagabi umuulan, basa ang mga gamit namin. Kapag nagtatayo kami kahit kumot lang, pinapatanggal nila kasama ang PNP at blue guards.” – Shirley Valentin, magsasaka sa Sitio Bangad
Dapat bawiin
Halos limang taon na mula nang mangako ng libreng pamamahagi ng lupa sa magsasaka si Pangulong Duterte ngunit kabaliktaran ang nangyayari. Itinutulak ngayon sa Kongreso ang HB 5507 o CARP Phase 2 na naglalayong ipamahagi ang government-owned lands at pribadong lupaing agrikultural kahit pa nakita na sa ilang dekadang karanasan ng mga magsasaka ang kabiguan ng CARP at ng mga ipinatupad na
Isinusulong din ng rehimeng Duterte ang Charter Change sa pamamagitan ng mga kaalyado nito sa Kongreso bilang solusyon umano sa kasalukuyang krisis sa ekonomiya dulot ng lockdown at pandemya. Malinaw sa mga magsasaka at kababaihang magbubukid na hindi ang pagpapahintulot sa 100% dayuhang pagmamay-ari sa lupa at likas-yaman ng bansa o mga dayuhang pamumuhunan ang tugon sa krisis. Ito ay palabas lamang ni Duterte para makapanatili sa poder at makaiwas sa kriminal nitong kapabayaan at sa utang nitong dugo dahil sa pagtugis nito sa mga aktibista, kritiko at karaniwang mamamayan sa pamamagitan ng war on drugs, Memorandum Order 32, Executive Order 70, NTF-ELCAC at Anti-Terror Law.
Sa gitna ng tumitinding krisis sa ekonomiya at krisis sa pagkain dulot ng bigong pagtugon ng rehimeng Duterte sa pandemya, kapabayaan at liberalisasyon sa agrikultura, lalong higit ang pangangailangan na tumindig ang kababaihang magbubukid at ipaglaban ang libreng pamamahagi ng lupa, ayuda at subsidyo sa produksyon. Dapat ipakita nito ang mahigpit na pagkakaisa sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapalakas ng mga organisasyon ng kababaihang magbubukid, tuloy-tuloy at pagpapalawak ng mga bungkalan at aktibong paglahok sa pagpapatalsik sa papet, pahirap at pasistang rehimeng Duterte. ###