AYUDA, HINDI PERMIT!
Buong-tining na kinakalampag ng Amihan Women at Rural Women Advocates ang gobyerno na magtrabaho nang maayos at unahin ang kapakanan ng taumbayan sa gitna ng pandemya. Ang paalala ng Department of Social Welfare and Development kamakailan na kailangan munang kumuha ng permit sa kanila ang sinumang nagnanais mangolekta ng donasyon para sa kawanggawa ay isang kahangalan. Hindi mairaraos ng mga Pilipino ang halos dalawang buwan nang #lockdown kung wala ang malasakit at sakripisyo ng mga indibidwal at organisasyon na nangolekta ng donasyon, bumili at nag-empake, at naghatid ng bigas, de-lata, sanitary napkins, gatas, facemasks, alcohol, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan sa iba’t ibang komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa. Kailangang makita ng pamahalaan na dumami ang mga nangangalap ng donasyon dahil na rin sa kapalpakan ng gobyerno na agapan ang pagkalat ng COVID-19 at tiyakin ang tamang pamamahagi ng batayang mga pangangailangan at serbisyo.
Ang Amihan at RUWA mismo ay nakapagbigay ng kaunting pagkain sa ilandaang pamilya ng magsasaka at mangingisda sa Bicol, Bohol, Cagayan, Cavite, Isabela, at Rizal dahil sa nalikom nitong mga donasyon. Sa lahat ng pagkakataon, ito ang unang tulong na naiabot sa mga pamilyang ito. Mula nang ideklara ang lockdown sa kabuuan ng Luzon, hindi na nakakapagbenta ng kanilang mga tanim ang mga magsasaka, o nakakapasok sa iba nilang pinagkakakitaan katulad ng pagmamaneho ng dyipni o paggawa sa construction. At nakatanggap man ng tulong mula sa kanilang mga kababayan, kulang na kulang pa rin ito para sa isang pamilya sa loob ng isang linggo. Maraming pamilya ang naghihintay pa rin sa Php 10,000 ayudang ipinangako sa kanila ng pamahalaan, na kung susumahin ay hindi pa rin sapat. Base sa pag-aaral ng Amihan, aabot sa Php 15,000 hanggang Php 21,000 ang buwanang gastos ng isang pamilyang magsasaka sa Pilipinas.
Kinakalampag ng Amihan at RUWA ang pamahalaan na ituon ang lakas, panahon, at yaman nito sa tunay na pagsisilbi sa bayan at hindi sa mga mapanupil na gawain na lalong nakakapagpahirap sa tao na talunin ang pandemya. Ayuda, ibigay na!