Pahirap at pasakit ang sukli ng rehimeng Duterte sa bawat pagsisikap ng mga kababaihang magbubukid at ng mamamayan para mabuhay nang may dangal at makamit ang panlipunang pagbabago.
Patuloy ang kawalan ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka, mga katutubo at mga mangingisda dulot ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build, mga proyektong reklamasyon, pagmimina at pagpapalawak ng mga plantasyong agrikultural. Walang programa sa repormang agraryo si Duterte at napako lamang ang pangako nitong libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
Masugid na sumusunod si Duterte sa dikta ng among imperyalistang dayuhan, pangunahin na ang pagpapatupad ng liberalisasyon sa agrikultura na nagpapatindi sa kahirapan at kagutuman ng mamamayan. Ipinatupad niya ang Rice Liberalization Law o RA 11203 na nagsadlak sa pagkalugi at pagkabaon sa utang ng mga magsasaka, pagkalugi ng mga maliliit na miller, pagkawala ng trabaho ng mahigit 1 libong kawani ng NFA at mga manggagawa sa gilingan at kabiguang pababain ang presyo ng bigas. Lalo lamang nitong inilalagay sa panganib ang seguridad sa pagkain ng bansa sa pag-asa nito sa importasyon ng bigas at iba pang produktong agrikultural at ganap na pagpapabaya sa sektor ng agrikultura.
Masahol pa, higit pang ibinubukas ni Duterte sa dayuhang pandarambong ang natitirang likas yaman ng bansa kabilang na ang mga lupain, kabundukan at mga karagatan. Mapanlinlang na inilulusot at niraratsada sa Kongreso ang Charter Change upang bigyang-daan ang 100% pagmamay-ari ng dayuhan sa mga mahahalagang negosyo at rekurso sa bansa katulad ng tubig, kuryente at telekomunikasyon. Walang ibang makikinabang dito kundi ang iilang pamilyang oligarko na kaibigan ni Duterte at ang mga dayuhang imperyalista habang lalo lamang wawasakin ang kabuhayan at ilalagay sa panganib ang mga magsasaka, mangingisda at katutubo.
Wala ni katiting na pagmamalasakit ang rehimeng Duterte sa kababaihang magbubukid at sa mamamayan. Sa halip na palakasin ang suportang serbisyo, pinagpipigaan nito ng buwis sa pamamagitan ng TRAIN Law ang kakarampot na kita ng mga magsasaka at masang anakpawis. Pinili nitong pataasin ang badyet ng militar at pulis sa halip na paunlarin ang serbisyo sa kalusugan at edukasyon.
Sa gitna ng tumitinding krisis sa agrikultura at ekonomiya, target ng pasistang panunupil ni Duterte ang mga sibilyan, mga aktibista at mga kritiko ng kanyang bulok na pamamahala. Sa pamamagitan ng Executive Order 70 o ang pagbubuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), tumitindi ang paglabag sa karapatang pantao pangunahin ng mga magsasaka, mga lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon kabilang na ang pananakot at intimidasyon, iligal na pag-aresto at pagkulong, sapilitang pagpapasuko, pambobomba ng mga komunidad at pamamaslang. Mahigit 240 magsasaka na ang biktima ng extrajudicial killings sa panahon ni Duterte kung saan 34 ay kababaihang magbubukid, 10 menor de edad, 9 na mag-asawang magsasaka at hindi bababa sa 32 senior citizen. Higit pang lalala ang kaso ng pang-aabuso kung maitutulak ang pag-amyenda sa Human Security Act of 2007 na itinutulak sa Kongreso at Senado na magsisilbi lamang pantabing sa terorismo ng estado.
Sa gitna ng kasuklam-suklam na rehimeng Duterte, walang ibang tunguhin ang kababaihang magbubukid kundi sumulong at magkaisa upang igiit ang karapatan sa lupa, pagkain at hustisya. Tanging sa sama-samang pagkilos at paglaban natin magagapi ang peste sa mga magsasaka at sa mamamayan.
Sumama sa protesta sa Marso 8!
Patalsikin ang papet, pahirap at pasistang rehimeng Duterte!
Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!