Visit the Change.Org page.
Click image to download file.
IBASURA ANG R.A. 11203 O RICE LIBERALIZATION LAW! Ito ang aming panawagan sa gitna ng tumitinding krisis sa industriya ng palay at bigas sa bansa, na nagdudulot ng papalalang kahirapan at kagutuman, pagkalugi at pagkakabaon sa utang at pagkawala ng lupa ng maraming magsasakang Pilipino, at mataas na presyo ng bigas na lalong nagpapaliit sa kakarampot na kita ng napakaraming pamilyang maralita.
Noong Pebrero 14, 2019, nilagdaan at ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Liberalization Law (RA 11203) na nagpasidhi ng liberalisasyon sa industriya ng bigas at palay. Probisyon nito ang pagtanggal ng limitasyon o restriksyon sa bolyum ng imported na bigas, na pangunahing dahilan ng pagbagsak ng presyo ng palay sa mga bukirin, at ang pagtanggal ng kapangyarihang magregularisa ng gubyerno, partikular ang mga function o operasyon ng National Food Authority (NFA) na magbenta ng mas murang bigas sa merkado. Papatawan na lamang ng taripa ang mga imported na bigas: 35% mula sa mga bansang ASEAN (Thailand at Vietnam) at 50% naman sa mga bansang kasapi ng World Trade Organization (WTO).
Ayon sa gubyerno, solusyon umano ang RA 11203 sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas tulad ng naganap noong 2018, na lumampas P50 kada kilo ang presyo ng bigas. Gayunpaman, kahit na bumaha na ang imported na bigas sa kasalukuyan, hindi pa rin nagmura ang bigas. Ang pinakatampok na epekto ng RA 11203 ay ang pagbagsak ng presyo, dahil nga binaha ng imported na bigas ang lokal na merkado.
Hindi rin naisalba ng probisyon ng RA 11203 na Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) o P10 bilyon para sa pagpapaunlad ng produksyon ng palay sa bansa. Sampung porsyento o P1 bilyon dito ay ilalaan para umano ipautang sa mga magsasakang apektado ng batas. Gayunpaman, kakarampot lamang ito kung ihahambing sa halaga ng produksyon ng palay na umaabot sa P385 bilyon noong 2018 (PSA).
Tinutulan ng maraming magsasaka at mamamayan ang pagsasabatas ng RA 11203 at ipinapanawagan ang pagbasura rito dahil sa mga sumusunod na batayan:
- Bago pa man ipatupad at hanggang sa kasalukuyan sa ilalim ng Rice Liberalization Law, krisis at kahirapan na ang dinanas ng mga magsasaka at ngayon ay humaharap sila sa hindi mababalikwasang pagkakabaon sa utang, patungong sa pagkakatanggal sa mga sakahan at pagtigil sa produksyon ng palay para sa mamamayang Pilipino. Mismong ang Nueva Ecija na rice granary ng bansa, bumagsak sa P7 hanggang P10 kada kilo ang presyo ng palay, na noon ay umabot sa P20 hanggang P23 kada kilo tuwing tag-araw. Ang epektong ito ang magtutulak sa mamamayang Pilipino na tanggalin ang kakayahang likhain ang sarili nating pagkain at umasa na lamang sa suplay ng imported na bigas mula sa internasyunal na merkado.
- Mapanlinlang ang pangako ng gubyerno, partikular ng National Economic Development Agency (NEDA) na bababa ng P7 kada kilo ang presyo ng bigas, samantalang ang presyo nito sa kasalukuyan ay P30 hanggang mahigit P50 kada kilo. Nawala na rin ang murang bigas mula sa NFA na P27 kada kilo na binibili ng mga maralitang sektor.
- Apektado rin ng batas na ito ang mga gilingan ng palay. Sa kasalukuyan tinatayang may 6,600 ang nakarehistrong rice millers sa bansa at may kabuuang bilang na 55,000 na manggagawa. Kung magpapatuloy ang batas na ito ay mas marami pang mga manggagawa ang mawawalan ng trabaho, tulad ng isang libong empleyado ng NFA dahil binago ng batas ang papel ng ahensya. Karugtong nito, maapektuhan din nito ang mga cottage industry (pagkain) na umaasa sa lokal na bigas at mawawalan ng kabuhayan ang mas malawak pang mga mamamayan.
- Ang batas na ito ay nagdudulot ng pagkalugi at pagkawala ng hanapbuhay ng mga magsasaka. Umaabot na sa P60 bilyon pagkalugi ng mga magsasaka mula pa Enero hanggang Agosto nitong taon. Sa kalaunan, mapipilitan ang mga magsasaka na iwan ang pagsasaka at matutulak ibenta ang kanilang mga lupa na siya namang sasamantalahin ng mga panginoong may lupa at real estate developer para sa iskemang land-use conversion.
- Ang prinsipal na may-akda ng batas na ito na si Sen. Cynthia Villar ay asawa mismo ng Fortune’s Richest sa bansa na si Manny Villar, na alam ng lahat na ang yaman ay nagmula sa pagkukumbert ng mga produktibong lupang agrikultural patungong mga subdivision at commercial estate. Ang iskemang ito ay itinutulak rin ng gobyerno sa pamamagitan ng tinatawag na ‘fast-track land use conversion’ ng Department of Agrarian Reform (DAR). Kaya, ang mismong chairmanship ni Sen.Villar sa Senate Committee on Agriculture at Agrarian Reform ay conflict of interest, dahil ang mga negosyo niya ay taliwas sa industriya ng palay, agrikultura at karapatan ng mga magsasaka.
- Kaliwa’t kanan ang atake ng gubyerno sa mga magsasakang isinusulong ang karapatan sa lupa para makapagpatuloy na magsaka. Karaniwang biktima ng extra-judicial killing ang mga magsasaka na umabot na sa 226, na pawang nagsusulong ng Tunay na Reporma sa Lupa, nilalabanan ang mga pangangamkam ng lupa at pagpapalayas, at land conversion. Noong Agosto 2019, mayroon nang magsasaka ang nagpakamatay dulot ng pagkabaon sa utang dahil sa pagkalugi sa murang bentahan ng palay.
- Ang Pilipinas ay agrikultural na bansa. Ang mga magsasaka ang nagtatanim ngunit ang mga magsasaka ay walang makain. Hindi ang RA 11203 ang sagot sa krisis sa bigas bagkus isang batas at programang may misyon na kamtin ang Rice Self-sufficiency at Self-Reliance bilang tuntungan ng National Food Security, habang iginagalang ang karapatan sa lupa ng magsasakang Pilipino.
KAGYAT NA IBASURA ANG RA 11203!
DEFEND PHILIPPINE RICE INDUSTRY AND AGRICULTURE!
SAVE THE FILIPINO FARMERS AND LIVELIHOOD!
ISULONG ANG NATIONAL FOOD SECURITY,
RICE SELF-SUFFICIENCY AT SELF-RELIANCE!
[Ang petisyon na ito ay sa pangunguna ng Bantay Bigas, AMIHAN National Federation of Peasant Women, Anakpawis Partylist, Gabriela Women’s Party]