Sa limang taon ni Duterte sa poder, kinakaharap ng kababaihang magbubukid ang papatinding pasistang atake. Sa pamamagitan ng mga kontra-insurhensiyang programa at polisiya ni Duterte kabilang na ang Martial Law sa Mindanao, Memorandum Order 32 sa Negros, Samar at Bicol, Executive Order 70 o ang whole-of-nation approach na lumikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) at ang Anti-Terrorism Act, naging target ng paglabag sa karapatang pantao ang kababaihang magbubukid.
Sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19, ipinakikita ng gobyernong Duterte ang kainutilan, kapalpakan at kapabayaan nito sa mamamayang Pilipino sa paglalaan ng bilyon-bilyong pondo ng pambansang badyet sa militar sa halip na tugunan ang pangangailangan sa sektor ng kalusugan at ekonomiya. Ang militaristang tugon sa pandemya ay nagresulta sa papataas na kaso ng pang-aabuso at pag-atake sa mga aktibista, human rights at land rights advocates.
Ang kababaihang magbubukid na naggigiit ng karapatan sa lupa at kabuhayan ay sistematikong nagiging target ng mga polisiyang ito sa pangunguna ng mga militar, pulis at pwersang paramilitar.
Hustisya para sa mga biktima ng pamamaslang!
Sa limang taon ni Duterte, mahigit 330 magbubukid ang pinaslang kung saan 44 ay kababaihang magbubukid. Kabilang sa mga ito sina Nora Apique, Chai Evangelista, Jennifer Tonag, Leonila Pesadilla at ang magkapatid na kabataang Lumad na sina Angel at Lenie Rivas.
Nora Apique
Si Nanay Nora, 66 anyos, ay isang lider magsasaka ng Kahugpungan sa Mag-uuma sa Surigao del Sur (KAMASS), ang lokal na tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Bahagi din siya ng Provincial Agrarian Reform Committee (PARC) mula noong 2016. Pinatay siya noong Marso 31, 2020, sa kasagsagan ng ipinatutupad na lockdown sa probinsya. Pauwi siya angkas ng isang motorsiklo nang paputukan ng bala ng mga hindi nakilalang armadong naka-motor. Bago ang insidente, biktima siya ng harassment at red-tagging ng mga pwersa ng AFP at paramilitar.
Chai Evangelista
Si Chai, 30 taong gulang, ay miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pangwawasak sa Kalikasan (UMALPAS KA). Pinaslang siya noong Marso 7, 2021 kasama ang kanyang asawang si Ariel sa Nasugbu, Batangas ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar sa CALABARZON na tinaguriang “Bloody Sunday” na kumitil sa buhay ng pitong iba pa. Saksi ang kanilang 9 na taong gulang na anak sa brutal na pagpaslang. Sina Chai at Ariel ay aktibo sa paglaban sa pagtatayo ng fish cages sa kanilang lugar. Sila ang ika-10 mag-asawang magbubukid na pinaslang sa panahon ni Duterte.
Jennifer Tonag
Si Jennifer, 35 anyos, ay miyembro ng Northern Samar Small Farmers Association (NSSFA). Pinatay siya noong Enero 17, 2020 ng mga armadong lalaki sa bayan ng Lope de Vega matapos dumalo sa isang seminar ng DILG ng Northern Samar. Aktibo siya sa paggigiit ng karapatan sa lupa at ayuda para sa mga magsasakang sinalanta ng bagyo at peste sa mga pananim. Ang NSSFA ay matagal nang nirered-tag ng NTF ELCAC.
Leonila Pesadilla
Pinaslang si Leonila, 66 taong gulang, kasama ang kanyang asawang si Ramon noong Marso 2, 2017 sa loob ng kanilang bahay. Saksi sa pamamaril ng mga hinihinalang mga elemento ng 66th IBPA ang kanilang menor de edad na apo. Sina Leonila at Ramon ay miyembro ng Compostela Farmers Association (CFA) at aktibo sa paglaban sa mga kompanyang minahan na nanghihimasok sa mga lupang ninuno. Nagdonate din sila ng kapirasong lupa para sa mga paaralang Lumad.
Palayain ang mga bilanggong pulitikal!
64 sa kabuuang 81 kababaihang magbubukid ang naikulong sa panahon ni Duterte. Kabilang dito sina Genalyn Avelino, Amanda Echanis, Marilyn Chiva, Marivic Aguirre, Aileen Catamin, Marilou Catamin, Eleutricia Caro, Jucie Katipunan Caro, Nona Espinosa, Azucena Garubat, Ma. Lindy Perocho, Imelda Sultan, Moreta Alegre, Marivic Colito, Mylene Colito, Corazon Javier, Armogena Caballero, Margie Baylosis, Merlinda Abraham, Rea Casuyon, Melissa Comiso at iba pa.
Ang mga nakatatanda at maysakit na bilanggong pulitikal ay pinagkakaitan ng karampatang atensyong medikal na nagpapalala sa kanilang kalusugan. Ang kapabayaan ay nagreresulta sa pagkamatay katulad ng nangyari kay Adelaida Macusang. Maging ang mga bagong silang na sanggol ay ihinihiwalay sa kanilang mga ina na nauwi sa pagkamatay ni baby Carlen.
Genalyn Avelino
Si Genalyn o mas kilala bilang “Neneng” ay inaresto noong Pebrero 24, 2021 sa Saulog Estate sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro sa gawa-gawang kasong rebelyon. Bilang lider ng Samahang Kababaihang Magsasaka sa Mindoro (SAMAKASAMIN) at dating tagapangulo ng Samahan ng Magbubukid sa Kanlurang Mindoro (SAMAKAMI), pinangunahan niya ang laban ng mga magbubukid para sa libreng pamamahagi ng lupa at laban sa pangangamkam at pagpapalayas sa mga magsasaka.
Ma. Lindy Perocho at Imelda Sultan
Si Lindy, 54 taong gulang ay kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW). Siya ay inaresto noong Nobyembre 1, 2019 kasama si Imelda Sultan, 51 taong gulang (kilala sila bilang “Escalante 2”) sa isang Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) sa Negros Occidental. Kasalukuyan siyang nakakulong sa Escalante BJMP sa kasong illegal possession of firearms and explosives. Sumasailalim na siya sa dialysis bago siya inaresto. Lumala ang kanyang kondisyon sa piitan at nangangailangan ng kagyat na pagpapagamot dahil sa kanyang sakit sa puso at bato.
Azucena Garubat
Si Azucena Garubat, 58 anyos, ay miyembro ng Naghiusang Mag-uuma sa Panubigan (NAMAPA) at coordinator ng Anakpawis Partylist sa Canlaon City, Negros Oriental. Iligal siyang inaresto kasama ang labing-isa pang magsasaka sa inilunsad na SEMPO noong Marso 30, 2019. Ang madugong operasyon ay nagresulta sa pagkamatay ng labing-apat na magsasaka kabilang na ang dalawa sa kapatid ni Azucena na sina Edgardo at Ismael Avelino. Kasalukuyan siyang nakakulong sa BJMP sa Canlaon City.
Amanda Echanis
Si Amanda, 32 taong gulang ay iligal na inaresto noong Disyembre 2, 2020 sa Cagayan, kasama ang kanyang noon ay isang buwang gulang pa lamang na anak. Sinampahan siya ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives at kasalukuyang nakapiit sa Tuguegarao BJMP. Si Amanda ay isang organisador ng Amihan Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid sa Cagayan.
Hands off Peasant Women!
Ang mga lider, organisador at miyembro ng Amihan ay tuloy-tuloy na nakararanas ng harassment, red-tagging at sapilitang pagpapasuko na naglalagay sa kanila at kanilang pamilya sa panganib. Ang kanilang pangunguna sa mga kampanya at panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, ayuda, subsidyo sa produksyon, maging mga relief operations at iba pang aktibidad na nagsusulong sa interes ng mga magbubukid ang batayan ng mga pwersa militar ng malisyosong pagbansag sa kanila bilang “rekruter” at “tagasuporta ng NPA”. Kabilang dito sina Leonisa Taray ng Bohol, Julie Marcos at Jacqueline Ratin ng Cagayan, at Nenita Apricio at Cita Managuelod ng Isabela.
Leonisa Taray
Si Leonisa o mas kilala bilang Onie ang Tagapangulo ng Sandigan sa Bol-anong Kababayen-ang Nag-uma ug Nanagat (SABAKAN), ang lokal na tsapter ng Amihan sa Bohol. Bahagi din siya ng Pambansang Konseho ng Amihan. Noong Marso 29, 2021, hinalughog ng mga pulis ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant ngunit bigo ang kapulisan na makakita ng mga baril at armas. Makailang beses din siyang pinapupunta ng mga pulis sa kanilang station upang “linisin ang kanyang pangalan”. Noong Abril 2020, binisita siya ng dalawang kalalakihang nagpakilalang bahagi ng Office of the Presidential Adviser on the peace Process (OPAPP) upang hikayatin siyang “linisin ang kanyang pangalan”.
Jacqueline Ratin
Si Jacqueline o mas kilala bilang Jacqui ang Tagapangulo ng Amihan-Cagayan at Pambansang Pangalawang Tagapangulo ng Amihan. Sa edad na 56 anyos, aktibo siyang kumikilos para sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa. Kasama siya sa mga nanguna sa relief operation at rehabilitation program para sa mga biktima ng kalamidad at laban sa mga neoliberal na patakaran ng gobyerno sa agrikultura tulad ng Rice Liberalization Law. Nitong Abril at Mayo, nagkalat ang tarpaulin sa mga bayan ng Cagayan na naglalaman ng kanyang pangalan, litarato at organisasyon na nagpaparatang sa kanya bilang “rekruter ng teroristang CPP-NPA-NDF sa Cagayan”.
Julie Marcos
Si Nanay Julie, 66 taong gulang ay aktibong kasapi ng Amihan-Cagayan. Noong Marso 29, 2021, pinuntahan siya ng PNP Amulung sa kanyang bahay upang kumbinsihin siyang pumunta sa police station at “i-clear ang kanyang pangalan”. Dahil sa takot at sa panganib na hatid sa kanyang pamilya, napilitan siyang pumunta sa police station kinabukasan. Pinapirma siya sa isang dokumentong may nakasulat na “communist” at “surrender” na hindi naman ipinaliwanag sa kanya.
Cita Managuelod
Si Cita ay isang lider-organisador ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela (DAGAMI) at staff ng Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo (SENTRA). Kasama siya sa mga namumuno sa mga inilulunsad na kampanya para sa tunay na reporma sa lupa at ayuda sa mga magsasaka. Katuwang siya sa paglaban sa pangangamkam ng lupa, iba’t ibang porma ng pagsasamantala sa mga magbubukid at mga kontra-magsasakang polisya ng gobyerno. Mula pa noong 2018, biktima na siya ng talamak na red-tagging ng mga militar at malisyosong mga paratang na siya ay “terorista” at “rekruter ng NPA”, sukdulan pang ideklara siya bilang “persona non grata’ sa ilang barangay sa mga bayan ng Isabela.
Freeze Order sa mga bank account ng Amihan, Ibasura!
Sa desperadong tangka ng rehimeng Duterte na patahimikin at supilin ang kababaihang magbubukid at mga progresibong organisasyon, naglabas ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa pambansang opisina ng Amihan at iba pang mga organisasyon na inaakusahan nitong nagpipinansiya ng mga teroristang aktibidad at mga indibidwal na bank account ng ilang NDFP peace consultants.
Napakadali para sa tiranikong gobyerno ni Duterte na maglabas ng freeze order batay lamang sa salaysay ng iilang indibidwal. Malinaw na ang layunin nito ay siraan ang militanteng paglaban ng kababaihang magbubukid at mamamayan sa palpak at pahirap na rehimen. Ang freeze order ay hindi lamang atake sa Amihan kundi sa mga maralitang kababaihang magbubukid at komunidad na nananawagan para sa lupa, pagkain, ayuda at hustisya.
Sa gitna ng talamak na red-tagging at mga malisyosong akusasyon ng NTF ELCAC, bulnerable din sa freeze order ang iba pang mga organisasyon, indibidwal at iba pang target ng panunupil.
Habang tumitindi ang sosyo-ekonomikong krisis at pasistang atake ng gobyernong Duterte sa kababaihang magbubukid at sa mamamayan, walang ibang pagpipilian kundi ang patuloy na lumaban! Higit pa sa sapat ang batayan upang wakasan ang tiranikong pamumuno ni Duterte at patalsikin ang isang rehimeng walang ibang naidulot sa pamilyang magbubukid at Pilipino kundi kahirapan at pasakit. Hindi na dapat hayaan ang paghahari at pananatili sa poder ni Duterte at ng kanyang mga alipores nang lagpas pa sa 2022. Dapat siyang managot sa lahat ng kanyang krimen sa mga magbubukid at sa mamamayan.
Download primer here: https://drive.google.com/file/d/1dv_ziGGbh2pjBUb-Sv7k_CvEghRkkeQ0/view?usp=sharing