Kami sa AMIHAN National Federation of Peasant Women ay ipinapahayag ang aming paninindigan ayon sa sumusunod:
Sa gitna ng mga danyos na bunga ng mga maling patakarang nagpapanggap bilang tugon sa pandemya, tulad ng mga lockdown, pagbabawal sa mga maralita na makapagsaka at makapaghanapbuhay, pagharang sa suplay ng pagkain, na maituturing na salik sa nagaganap na krisis sa pagkain, partikular sa sektor ng karne, ang pagpapababa ng taripa at pagpapababa ng Minimum Access Volume (MAV) para sa imported na karneng baboy ay nagpapanggap na solusyon, ngunit sa pangmatagalan ay ugat ng mas malala pang krisis sektor ng produksyon sa bansa. Ang Executive Order No. 128 na nag-utos sa mga ito ay pangunahing isinangkalan at sinisi ang krisis sa epekto ng African Swine Fever, gayung Hulyo 2019 pa ito nagsimula sa bansa, at malinaw ang kapalpakan ng gubyerno sa pagsugpo rito. Kaya, ang Amihan ay naninindigang ang krisis sa sektor ng karneng baboy ay pinagsamang bunga ng mga palpak at kontra-mamamayang patakarang nagpapanggap na tugon sa pandemya noong 2020, na nagpapalala sa epekto ng epidemyang ASF na nagsimula pa noong 2019.
Mula Agosto 2019 hanggang Marso 2020, umabot na ng P80 bilyon ang lugi ng mga hograisers, at noong Enero 2021, ay pumalo na ito sa P135 bilyon, na may nawalang 5.5 milyong ulo ng baboy. Samantala, anunsyo ng Department of Agriculture ay nagbayad daw ito ng P1.3 bilyon bilang indemnipikasyon sa mga apektado ng ASF. Kung ito ay ilalapat, papatak lamang P230 kada namatay na baboy ang halaga nito, samantalang ang gastos kada baboy ng mga backyard hograisers ay mahigit P9,000. Samakatuwid, napakaraming hindi nakatanggap ng indemnipikasyon at nabaon sa pagkakautang. Sa datos pa lang na ito, malinaw na ito ay isa mga tagapaglikha ng krisis dahil ang mga nalugi ay malinaw na hindi naisalba ng gubyerno, bagkus, ang mga pampublikong pondo ay inilalaan pa sa mga di-produktibong programa tulad ng P16.4 bilyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).
Mahigit sa 6 kada 10 baboy ay mula sa backyard kaya ang kahulugan nito na ang krisis ay malawakang nakaapekto sa mga maralitang producer na hindi sinalba ng gubyerno. Halimbawa nito ang pamilya mula sa Tumauni, Isabela, na kung saan ang 3 baboy nila ay pinatay, batay sa protocol, ngunit walang natanggap na indeminikasyon mula sa gubyerno. Samakatuwid, ang mga maralitang producer ay nabaon sa utang, at sa kalaunan ito ay nagbunga ng pambansang krisis na ngayon ay nagaganap.
Sa pagtuloy na pag-asa ng gubyernong ito sa importasyon batay sa dikta ng World Trade Organization, tanging ang makikinabang dito ang mga private importers na nakakapagtakda ng presyo sa pamilihan. Ayon sa DA, itinutulak nila ang MAV mula sa orihinal na 54,210 metric tons patungong 404, 210 metric tons kung saan, makikinabang ang importers. Naiulat nang kikita sila ng P6-bilyon bilang “racket money” mula sa ng pagtatatas ng MAV. Samantalang mawawala ang P14-bilyon revenues ng gubyerno mula sa importasyon. Sa hearing sa senado, naungkat ang isyung “tongpats” o anomalya sa pag-iimport sa karneng baboy.
Ang EO 128 ay import liberalization na kahalintulad ng prinsipyo ng Republic Act 11203 Rice Liberalization Law, na nagresulta ng pagbagsak ng industriya ng palay at bigas at pagkalugi ng maraming mga magsasaka sa palayan. Kung saan, umaabot na sa P90 bilyon ang lugi nito ngayong 2021. Walang ibang opsyon o “solusyon” ang gubyernong ito kundi importasyon at kapakinabangan ng private importers, samantalang ang danyos nito ay sa mismong mga lokal na producer sa bansa. Sa kalaunan, ang “solusyon” ay “ugat ng mas malalang krisis sa pagkain” at ilang beses nang hindi natututo ang gubyerno.
Ipinapanawagan ng Amihan na ipawalambisa ng kongreso ang EO 128, sa halip ay mag-apruba ng mga hakbang para isalba ang pambansang sektor ng karneng baboy, partikular na:
a. Bigyang indeminipikasyon ang lahat ng hograisers na apektado ng ASF sa bansa, na may prayoridad sa mga backyard hograisers;
b. Buwagin ang mga bara o harang sa produksyon at daluyan ng suplay na idinikta ng mga patakarang lockdown, para bumaba ang gastos sa transportasyon nito at mapababa ang presyong retail nito, sa kapakinabangan ng mga maralitang consumer.
c. Palakasin ang pambansang produksyon ng karneng baboy at itigil ang importasyon, bilang pundamental na hakbang para sa National Food Security na nakabatay sa Self-Reliance at Self-Sufficiency.
Umaasa ang Amihan na pakikinggan at didinggin ng kongresong ito ang mga maka-magsasaka at maka-mamamayang panawagan, para masolusyonan ang pambansang krisis sa pagkain.
[Isinumite sa Committee on Agriculture and Food House of Representatives, Quezon City noong Abril 19, 2021]