Pagsusuri sa Rice Resiliency Project (RRP) ng Department of Agriculture

1. Ang Rice Resiliency Project (RRP) ay bahagi ng Plant, Plant, Plant o Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) kontra Covid 19, ang programang ipinatutupad ng Department of Agriculture bilang tugon umano sa pangangailangan ng lokal na agrikultura at pagtitiyak ng kasapatan sa pagkain sa gitna ng pandemya.

Gayunman, ang mga programa sa ilalim ng RRP ay dati ng mga programa sa ilalim ng National Rice Program (NRP) at pampuno o ekstensyon sa mga programang ipinatutupad ng RA 11203 sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Ang RRP ay may kabuuang P8.5 bilyong pondo na nahahati sa 3 bahagi:

  1. Enhanced RCEFP3.19B para sa pamamahagi ng abono sa 947 bayan/siyudad na nasa ilalim ng RCEF na nagtatanim ng certified inbred seeds.
  2. Expanded Inbred Rice ProductionP3.132 B para sa pamamahagi ng abono at certified inbred seeds sa mga lugar na hindi saklaw ng RCEF at sa mga magsasakang gumagamit ng ”good seeds” o mga binhing iniimbak sa bahay.
  3. Expanded Hybrid Rice ProductionP2.177 B para sa pamamahagi ng hybrid seeds at abono sa mga magsasakang susubok magtanim ng hybrid seeds at sa mga magsasakang dati nang gumagamit ng hybrid seeds.

Pamumunuan ng DA Regional Offices ang pamamahagi ng ayuda mula sa RRP.

2. Kakarampot na bahagi lamang mula sa kabuuang gastos sa produksyon ang suportang ibinibigay ng RRP na partikular lamang sa pamamahagi ng binhi at bahagi ng kinakailangang abono. Sa kabilang banda, itinatali nito ang mga magsasaka sa chemical-based na pagsasaka kung saan napakataas ng gastos sa produksyon. Dahil dito, kinakailangan pa rin ng mga magsasakang bumili ng mga abono at pestisidyo dagdag pa sa iba pang mga gastusin sa upa sa lupa, sa mga manggagawang bukid, makinarya at iba pa na nagreresulta sa pagkalubog sa utang. Lalo pa itong pinalala ng pagbagsak ng presyo ng palay dulot ng Rice Liberalization Law o RA 11203.

Dagdag pa, ang labis at matagalang paggamit ng kemikal sa pagsasaka ay nagreresulta sa papaliit na ani dulot ng pagbaba ng kalidad ng lupa. Kung kaya sa mahabang panahon ay magiging hadlang ito sa pagkakamit ng kasapatan sa pagkain ng bansa. Habang itinutulak ng RRP ang chemical-based na pagsasaka, isinasantabi nito ang pagpapalaganap at pagpapaunlad ng mga lokal na variety ng binhi at ang pagsusulong ng mga alternatibong paraan ng pagsasaka tulad ng sustainable agriculture.

Mga Target ng Rice Resiliency Project (RRP)

RRP ComponentBudgetArea Covered (in hectares)Number of BeneficiariesAssistance ProvidedProjected Production Increase
Enhanced RCEFP3.19B1.2 milyon ektarya1.2M farmers2 bags abono628,500 MT
Expanded Inbred Rice ProductionP3.132 B950,000318,000 non-RCEF   309,000 nag-iimbak ng “good seeds”2 bags abono + inbred seeds2 bags abono430,921MT
Expanded Hybrid Rice ProductionP2.177 B550,000465,000 susubok magtanim ng hybrid seeds176,000 gumagamit na ng hybrid seeds1 bag hybrid seeds +3 bags abono3 bags abono300,000 MT
TOTALP8.5B2.7M hectares2,468,000 1,359,421MT

3. Hindi makatotohanan ang target nitong 6% na pagtaas sa rice self-sufficiency rate ng bansa mula sa kasalukuyang 87% tungo sa 93% sa pagtatapos ng 2020 batay lamang sa kakarampot na suporta sa binhi at abono. Sa katunayan, ambisyoso ang target ng RRP na pataasin ang lokal na produksyon ng palay sa 22.12 milyong metriko tonelada o katumbas na 13.51 MMT bigas kung titingnan angkasalukuyang kalagayan.

Ang average na produksyon ng bansa mula 2001-2019 ay 16.54MMT kung saan ang pinakamataas ay naitala noong 2017 sa 19.28MMT. Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, ang produktibidad ng isang ektaryang palayan sa bansa ay nasa 3.7 MT lamang na may taunang paglago na 1.5MT kada ektarya mula 2001-2017. Sa kabilang banda, ang average na lawak ng sakahang tinatamnan ng palay mula 2001-2019 ay 4.44 milyong ektarya. Noong 2018, naitala ang pagliit ng kabuuang sukat ng palayan mula sa 4.81 milyong ektarya noong 2017 tungo sa 4.8 milyon noong 2018 at 4.65 milyong ektarya noong nakaraang taon. Mas titindi pa ito dahil sa tuloy-tuloy na land-use conversion ng gobyernong Duterte na pinalala pa ng Rice Liberalization Law na nagresulta sa pagpapalit-tanim at pagpapalit-gamit ng mga palayan.

YearProductionHarvest areaYield per hectare
201518.154.664.00
201617.634.563.90
201719.284.813.87
201819.074.804.01
201918.814.653.97
Average (2001-2019)16.544.443.7

Dagdag pa, nananatiling huli ang bansa sa antas ng mekanisasyon na kasalukuyang nasa 2.31hp kada ektarya kung ihahambing sa 2.4hp kada ektarya ng Vietnam, 4hp kada ektarya ng Thailand, at 8hp at 10hp kada ektarya ng China at South Korea. Malaking bahagi pa rin ng mga sakahan ang hindi inaabot ng irigasyon. Sa tala ng National Irrigation Administration (NIA) noong Disyembre 2018, 61.39% lamang o 1,920,563 ektaryang sakahan ng kabuuang3,128, 631 irrigable land ang may irigasyon.

Kung tutuusin, kahalintulad ng RRP ang Food Staples Self-Sufficiency Roadmap (FSSR) ng nagdaang administrasyong Aquino na bigong abutin ang target nitong itaas ang lokal na produksyon ng palay sa 21.11 MMT (2013) at 22.49 MMT (2016).

4. Walang signipikanteng pagkakaiba ang RRP sa mga nagdaang rice program ng gobyerno. Mapanlinlang nitong pinalalabas na kayang pataasin ang lokal na produksyon ng palay nang hindi tinutugunan ang ilang dekada nang problema ng mga magsasaka sa palayan tulad ng kawalan ng lupa, limitadong sistema sa irigasyon, kakulangan ng subsidyo sa farm inputs at suporta sa mga makinarya at mga post-harvest facilities.

Nakabalangkas ito sa pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran sa agrikultura. Sa tabing ng pagkakamit ng rice self-sufficiency, lalo lamang nitong itinatali ang magsasakang Pilipino sa monopolyong kontrol ng malalaking agri-korporasyon na siyang nasa likod kapwa ng mga binhi at mga kemikal na pestisidyong ipinalalaganap nito. Dagdag pa, patuloy ang pagsandig ng pamahalaan sa importasyon ng bigas na lalo pang tumindi sa pagpapatupad ng Rice Liberalization Law na higit pang naglulugmok sa mga magsasaka sa kahirapan at nagpapatindi sa krisis sa lokal na industriya ng bigas.  

 Ang tunay na kasapatan sa pagkain na nakabatay sa self-reliance at self-sufficiency ay makakamit sa pamamagitan ng paglalaan ng gobyerno ng sapat at angkop na subsidyo at suportang serbisyo, libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at pagpapatigil ng liberalisasyon sa agrikultura.

Mga partikular na kahilingan tungo sa pagkakamit ng kasapatan sa pagkain sa panahon ng COVID-19:

  1. Maglaan ng P10,000 emergency cash assistance sa bawat pamilya ng magsasaka at mangingisda na apektado ng community quarantine (lockdown).
  2. Maglaan ng P15,000 subsidyo sa produksyon para sa mahigit 2 milyong magsasaka sa palayan. Mahigpit na ipatupad ang price control sa farm inputs at iba pang kagamitan sa produksyon maging sa mga batayang pangangailangan.
  3. Kondonasyon sa pagbabayad ng upa sa lupa, amortisasyon at iba pang mga bayarin ng mga magsasaka at agrarian reform beneficiaries.
  4. Tiyakin ang tuloy-tuloy na produksyon ng pagkain sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa pagtungo ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa kanilang mga sakahan, operasyon ng mga negosyo na may kugnayan sa pagsasaka at transportasyong ng mga agrikultural na produkto.
  5. Tuloy-tuloy na serbisyo sa irigasyon at pagpapaunlad ng pasilidad sa irigasyon sa patubig sa pamamagitan ng pagsasaayos at pagtatayo ng small-scale irrigation system. Tiyakin na naipatutupad ang Free Irrigation Services Act.
  6. Palakasin ang papel ng National Food Authority at ibalik ang regulatory functions nito. Pataasin ang pamimili nito ng palay sa 20% ng kabuuang lokal na produksyon upang tiyakin ang sapat na suplay ng murang bigas. Bilhin ang palay ng mga magsasaka sa halagang hindi bababa sa P20 kada kilo.
  7. Ipatupad ang moratorium sa land-use conversion upang tiyakin na ang mga lupaing agrikultural ng bansa ay nakalaan sa produksyon ng pagkain.
  8. Ibasura ang RA 11203 o ang Rice Liberalization Law, itigil ang importasyon at gawing prayoridad ang pagpapaunlad ng lokal na industriya ng bigas.
  9. Isabatas ang HB 477 o Rice Industry Development Act (RIDA) na nagtutulak ng pagpapalakas ng NFA at Rice Development Program kabilang ang socialized credit, pagpapaunlad ng irigasyon, post-harvest facilities, at suporta sa produksyon at HB 239 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na nagsusulong ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, pagbibigay ng suportang serbisyo at subsidyo at proteksyon ng lupaing agrikultural laban sa land-use conversion.
  10. Bumaklas sa World Trade Organization – Agreement on Agriculture at itigil ang mga neoliberal na patakaran sa agrikultura.
Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Follow by Email