Nitong Mayo 6, 2020, inilabas ni Duterte ang Executive Order No.114 o Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program na ang pangunahing layunin umano na “Geared towards addressing Metro Manila’s congested urban areas by encouraging people, especially informal settlers to return to their home provinces and assist them in this transition with support and incentives on transportation, family, livelihood, housing, subsistence and education, among others.” Target ng programang ito ang mga pamilyang urban poor na nakatira sa Metro Manila at mga nais magtrabaho sa ibang probinsya. Ang programang ito ay kasama sa Ten-Point Socio-Economic Agenda ni Duterte na nakabalangkas sa Presidential Development Plan 2017- 2022 at Ambisyon Natin 2040. Kung saan, nais ng rehimen na i-decongest ang Metro Manila para sa kanilang pabulaklak na “balanced regional development program” na kapakinabangan ng malalaking negosyante para sa kanilang mga negosyo gayundin “panakip-butas” na programa para mapalayas ang mga maralitang tagalungsod mula sa mga lugar na mataas ang halaga para sa real estate at iba pang mga negosyo.

Ang EO na ito ay nilabas ng rehimeng Duterte habang nasa kalagitnaan ng pandemya at lockdown ang National Capital Region (NCR). Pilit nirarason ng rehimeng ito na ang tanging solusyon para maiwasan ang pagkakalat ng pandemya sa mga komunidad ay ang programang balik-probinsya.  Sa halip na solusyong medikal ang pagkaabalahan, lalo na ang free mass testing at pagpapalakas ng mga pampublikong ospital, at ayuda sa mga nawalan ng kabuhayan at trabaho, pagpapalikas sa mga maralita ang hakbang nito, samantalang ang kanayunan ay nanatiling teritoryo ng pyudal na paghahari ng mga panginoong maylupa, at napakaraming mga magsasaka ang biktima ng kawalang lupa.

Ayon sa gubyerno, umabot ng 33,000 ang aplikante ng programang ito ngayong buwan. Karamihan ay mula sa Samar, Eastern Samar, Leyte, Bohol at Negros, mga biktima ng bagyong Yolanda noong 2013 at mula sa Bukidnon, Lanao del Sur at Lanao del Norte, mga biktima diumano ng insurhensya. Bago matapos ang taon, target ang kabuuang 60,000 aplikante na maging benepisyaryo ng programang ito.

Kahit walang pandemya at lockdown, ang programang ito ay kontra-maralita at hindi sumasagot sa matagal nang panawagan para sa kabuhayan, maayos na paninirahan at serbisyong sosyal na dapat tinatamasa ng mga maralitang tagalungsod kahit saan man sila nakatira sa bansa. Kabalintunaan ang programang ito at dinadaig pa ang mga batayang sosyal at materyal ng ilang dekadang migrasyon ng mga maralita mula sa mga probinsya tungong Maynila.  Kaya nga nagtunguhan ang mamamayan na karaniwang mula sa mga pamilyang magsasaka sa Kamaynilaan, dahil malinaw na walang hanapbuhay sa kanayunan, na manipestasyon ng kawalang Tunay na Reporma sa Lupa at Rural Development, ang tinuturing namang solusyon ng rehimeng ito ay pabalikin sila sa mga pinanggalingan nila at kanilang mga ninuno.

Walang pundamental na pagbabago ang naganap sa mga probinsya.  Ang mga magsasaka, kahit ang mga katutubo sa kabundukan, mga mangingisda sa baybay-dagat ay pinapalayas at inaagawan ng lupa, mga komunidad, mga sakahan at hanapbuhay.  Walang positibong batayan ang pagpapalikas sa mga maralita, dahil kahirapan at kagutuman ang naghihintay sa kanila sa mga probinsya. 

Kalagayan ng kanayunan at kahalagan ng Tunay na Reporma sa Lupa, Rural Development at Social Services

Nananatiling pyudal at malapyudal ang kaayusan sa mga probinsya,  o nakakonsentra sa iilang panginoong maylupa o haciendero ang napakalawak na lupain at mayorya sa mga magsasaka, kababaihang magbubukid, manggagawang bukid, katutubo at mangingisda ay walang sariling lupa at pangisdaan at biktima ng landgrabbing at pagpapalayas ng malalaking lokal at dayuhang negosyante. Kasabay nito, ang pag-atake at pag-alis sa kanilang mga karapatan at militarisasyon sa kanayunan.

Isang konkretong halimbawa ang CALABARZON.  Sa ika-sampung taon ng pagpapatupad ng Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, umabot na sa 43,000 ektarya ang kinumbert na mga sakahan, habang noong 2010 ay umabot na ito sa 144,000 ektarya.  Kung isang pamilyang magsasaka kada ektarya ang umaasa rito, agarang 144,000 na pamilyang taga-probinsya ang nawalan ng kabuhayan.  Kitang kita natin ito sa mga probinsya ng Cavite, Laguna at Rizal na malalapit sa Kamaynilaan.

Matingkad dito ang paglaban ng modernong tandang sora na si Nanay Masang De Castro na taga-Langkaan I, lungsod ng Dasmariňas, Cavite.  Noong 1993, nang tangkain silang palayasin mula sa 372-ektaryang sakahan, para sa proyektong First Cavite Industrial Estate, matapang niyang nilabanan ang mga magde-demolish sa kanilang sakahan.  Binarikadahan nila ang tatlong traktora at nang palusob ito ay tinalon niya ang operator nito at tinutukan niya ng karit sa leeg.  Taong 1998 naman nang tatlong trak naman ng pulis ang lumusob sa kanilang sakahan, at tinangkang wasakin ang kanilang mga kubo.  Matapang na hinarap ito ng mga kababaihang magbubukid na nagkapit-bisig at lumaban.  Sa gitgitang ito, ang pag-atake kay Nanay Masang ay nagbunga ng bahaging pagparalisa sa kanyang katawan.  Gayunpaman, hindi tumigil sa paglaban si Nanay Masang.

Nagpapatuloy pa rin ang pagpapalayas sa mga magsasaka, tulad ng kinakaharap ng mga magsasaka sa 372-ektaryang Lupang Ramos, 155-ektaryang Lupang Kapdula sa Dasmarinas, Cavite at 188-ektarya Lupang Tartaria sa Silang, Cavite.  Sa mga isyu palang na ito, mahigit 600 pamilyang magsasaka agad ang apektado at nanganganib na mapalayas at mawalan ng kabuhayan.  Sa kampuhan sa Lupang Ramos, kapansin-pansin din na halos kalahati ng nagtatanggol doon ay mga kababaihang magbubukid.

Ang probinsya ng Cavite noong 1990, ay may mahigit 40,000 ektaryang palayan, ngunit noong nakaraang taon, lumiit na lamang ito sa 13,000 ektarya.  Kitang kita natin ang dahil nito, na walang iba kundi ang pagpapalayas napakaraming mga magsasaka at malawakang land-use conversion.  Sa probinsya, nagsulputan ang napakaraming subdivision ng kilalang alyado ng rehimen na kilala ring isa sa pinakamayamang oligarko sa bansa, ang pamilyang Villar.

Simtomas din ng kawalang kabuhayan o oportunidad ang pagsulpot ng mga sakada.  Sa mahigit 430,000 na nagtatrabaho sa tubuhan, 60% ang mga di-regular kasama ang mga sakada.  Dumarayo sila sa malalayong lugar dahil nga wala nang hanapbuhay sa kanilang lugar.  Sa kasalukuyan, ang mga sakada mula Bukidnon ay umaabot na ng Tarlac, na ang dati ay balita lamang na mga taga-Negros ay umaabot ng Batangas at Tarlac.  Napakaraming walang hanapbuhay sa probinsya, daragdagan pa ng kasalukuyang rehimen.

Mismong ang patakaran ng nakaraan at kasalukuyang rehimen ang nagtutulak sa mga magsasaka na tumungo sa Kamaynilaan at mga sentrong urban.  Ang pagsamba sa neoliberalismo o pagtraydor sa pambansa at demokratikong interes ang nagluluwal ng mga patakarang tulad ng pekeng repormang agraryo.  Kasunod nito ang kawalang tunay na pagpapaunlad sa kanayunan o rural development, at kung wala ito, ay walang matuturing na national development.

Sa ilalim ng rehimen, dahil nga wala ng lupa ang mga magsasaka, wala na ring makaing bigas.  Kriminal ang pagpapatupad ng rehimeng Duterte ng Rice Liberalization Law, na lalo pang nagpabagsak kabuhayan ng mga magsasaka sa mga probinsya.  Tapos gusto pa nitong dagdagan ang mga magugutom dahil pababalikin sa mga probinsya ang mga maralita sa lungsod.

Bukod sa pagiging biktima ng sistematikong kawalang lupa, biktima rin ang mamamayan sa mga probinsya ng mardyinalisasyon o kriminal na pagpapabaya ng gubyerno.  Patong sa sistematikong kakulangan sa serbisyong panlipunan tulad ng pangkalusugan at edukasyon, saksi ang buong mundo sa pagpapabaya ng gubyerno sa mga biktima ng bagyo, tagtuyot, lindol, pagputok ng bulkan at ngayon ng pandemya. 

Ang Luzon lockdown, sa kabila ng sandamukal na press release ng Department of Agriculture na hindi pagpapabawalan ang mga magsasaka, hindi pa rin nakapaghanapbuhay ang mga maralitang magsasaka na umaasa sa pampublikong transportasyon, at pinagbawalan naman silang magtinda sa ibang barangay.  Nagkandabaon sa utang ang mga magsasaka at kitang kita ang mga nasayang na ani dahil walang mga buyer, ngunit ang tugon ng rehimen ay dagdag na pautang o SUREAid ng DA.  Madaya rin ang DA, na ang dapat nitong suporta sa hambalos ng rice liberalization ay itinuturing niyang suportang tugon sa pandemya.  Ang mga maliliit na mangingisda naman ay sumisigaw ng ayuda, dahil mismong sila ay wala sa report ni Duterte, at ngayon ay biktima pa sila ng P2 na oil price hike.

Sistematiko na ang mga manggagawang bukid at kanilang mga pamilya ay mga mala-manggagawa tuwing walang mga trabaho sa mga bukid.  Ang mga manggagawang bukid ay pawang nagsisitrabaho bilang construction worker, pahinante, kargador, at iba pa sa mga sentrong urban.  Ang mga kababaihang magbubukid naman ay karaniwang tindera, naglalabandera o katulong sa lungsod.  Napakarami ring OFW na mula sa mga probinsya, dahil sa kawalang oportunidad at hanapbuhay.  Mismong mga sektor nga sa mga sentrong urban ng mga probinsya, walang makuhang trabaho, kaya laluna ang mga mula sa kanayunan.

Sa pagsasalarawan, sandamukal na problema at krisis ang dinaranas ng mga nasa probinsya ngayon, ngunit ang rehimen ay naglalayon pang dagdagan ang mga magiging biktima nito.

Sa kasalukuyan, ang kababaihang magbubukid, bilang bahagi ng kilusang magsasaka, ay itinutulak ang panawagang P10,000 financial assistance, para makaahon sa pagkakabaon sa utang at iba pang pangangailangan, at hiwalay na P15,000 production subsidy para makapagpatuloy sa pagsasaka o produksyon.  Winasak ng liberalisasyon at lockdown ang agrikultura sa bansa.  Ang mga hakbang na ito ay man-made ng rehimeng Duterte at dapat lamang na singilin ang pananagutan nito.

Kung kaya, HINDI SOLUSYON ANG BALIK PROBINSYA, BAGKUS, PAGPAPABIGAT ITO AT PAGDAGDAG NG BIKTIMA NG MGA SISTEMATIKONG KRISIS SA KANAYUNAN. Walang kwenta ang mga ibinabanderang skills training at iba pang mga basurang pahayag dahil nga kahit nga sa kasalukuyan ay hindi ito tumutugon sa pangangailangan ng mga nasa probinsya.  Wala ring saysay ang mga boladas na housing dahil mismong mga nasa relocation sites sa mga probinsya ay nag-aalisan nga dahil walang kabuhayan.  WALANG BAGONG PAG-ASA, BAGKUS, MGA PUNDAMENTAL NA KRISIS PANG-LIPUNAN ANG NAGHIHINTAY SA MGA MAGBABALIK PROBINSYA KUNG WALANG TUNAY NA REPORMA SA LUPA SA KANAYUNAN. Naging instrumento pa nga ang programang ito para ikalat ang pandemya, tulad ng naulat na kaso sa bayan ng Baybay, Leyte.

Kahit pa ipatupad ang programang ito, marami pa ring luluwas ng Kamaynilaan para maghanap ng trabaho at kabuhayan.  Hindi tinutumbok ng Balik Probinsya ang batayang sosyal at materyal kung kaya ito lamang ay magiging vicious cycle.  Walang saysay ang Balik Probinsya kung walang Tunay na Reporma sa Lupa, gayundin ang Pambansang Industriyalisasyon, para basagin ang di pantay na pag-unlad ng Kamaynilaan at mga probinsya, at ng kalunsuran at kanayunan.   

ISULONG ANG TUNAY NA REPORMA SA LUPA, RURAL DEVELOPMENT AT PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON!

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Follow by Email