Isinumite sa Komite sa Repormang Agraryo, Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas
Pebrero 5, 2020 sa pagdinig ng Komite hinggil sa HB 5507
Kami, mula sa Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid o Amihan, ay isinusumite ang aming pahayag ng paninindigan hinggil sa panukalang batas na naglalayong ipatupad ang ikalawang yugto ng repormang agraryo sa bansa.
Kinikilala ng Amihan ang kahalagahan ng pagpapatupad ng isang tunay na repormang agraryo bilang pundasyon ng isang maunlad na ekonomiya. Ang kabiguan ng mga nagdaang batas at programa sa repormang agraryo ang nagpalala sa kahirapan at kagutumang nararanasan ng mga magsasaka at kanilang mga pamilya.
Positibo ang layunin ng HB 5507 na libreng ipamahagi ang lupa sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng programa sa repormang agraryo. Isa itong mahalagang pagkilala sa matagal nang panawagan ng mga magsasaka at nararapat para sa mga magsasakang ilang dekada nang biktima ng monopolyo sa lupa. Sa kabilang banda, ang kompensasyong ibibigay sa mga nagmamay-ari ng lupa ay dapat nakabatay sa prinsipyo ng pagkakamit ng hustisyang panlipunan. Dapat tiyakin na hindi labis ang halaga ng kompensasyon at bigyang konsiderasyon ang naging paraan ng pamamalakad ng may-ari at kung paano niya nakuha ang lupain. Hindi makatwirang bigyan ng labis-labis na kompensasyon ang mga may-ari ng lupa na nanlinlang at gumamit ng dahas upang makapanatili sa lupa.
Dagdag pa, walang probisyon sa HB 5507 na naglalahad kung paano poprotektahan ang pagmamay-ari ng mga benepisyaryo sa lupa lalo pa at pinahihintulutan nitong gawing kolateral sa pautang ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) at Emancipation Patent (EP). Dahil dito, malaki ang posibilidad na muli silang mawalan ng lupa at mairekonsentra ang pagmamay-ari nito sa iilang tao.
Nananatili din sa panukalang batas ang mga probisyon sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at CARP Extension with Reforms (CARPER) na naging dahilan ng kabiguan ng repormang agraryo sa bansa na tunay na makapagpamahagi ng lupa sa mga magsasaka katulad ng eksklusyon, excemption at reklasipikasyon o pagpapalit-gamit ng lupa. Ang mga probisyong ito ay nagresulta sa pagpapalayas sa mga magsasaka mula sa kanilang lupa at kabuhayan. Kung gayon, walang kapangyarihan ang panukalang batas na protektahan ang karapatan ng mga magsasaka na makapagmay-ari ng lupa at itaguyod ang kasapatan sa pagkain ng bansa. Dagdag pa, walang probisyon sa ilalim ng panukalang batas hinggil sa non-land transfer scheme katulad ng stock distribution option, corporative, leasehold agreements at iba pang anyo ng agribusiness venture agreements (AVA) na sa maraming karanasan ay nauwi lamang din sa pagsasamantala ng mga korporasyon sa mga magsasaka at manggagawa sa agrikultura na benepisyaryo ng repormang agraryo.
Bagamat may mga idinagdag na suportang serbisyo sa panukalang batas katulad ng sa edukasyon, kalusugan, panirahan at iba pa, hindi malinaw na inilahad sa mga probisyon ang suportang serbisyo sa agrikultura katulad ng binhi, farm inputs, farm equipments at post-harvest facilities at sistema ng irigasyon at kung paano nito tutugunan ang mga naging kakulangan sa mga nagdaang programa gayundin kung paano nito pauunlarin ang kabuhayan ng mga benepisyaryo at ng sektor ng agrikultura sa kabuuan.
Naninindigan ang Amihan na kailangan ng bansa ang tunay at komprehensibong programa sa repormang agraryo upang maisulong ang kapakanan hindi lamang ng mga magsasaka kundi ng buong mamamayang Pilipino. Dahil lumipas na ang implementasyon ng CARP at CARPER, panahon na upang magkaroon ng bagong batas na tunay na magpapaunlad sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka, ng sektor ng agrikultura at magiging pundasyon ng maunlad na ekonomiya ng bansa. Kaya naman mahigpit ang pagsuporta ng mga kababaihang magbubukid sa ilalim ng Amihan sa House Bill 239 o Genuine Agrarian Reform Bill bilang isang alternatibong batas sa repormang agraryo. Naniniwala kami na ang mga probisyon sa ilalim ng nasabing panukalang batas ay sapat upang protektahan at isulong ang tunay na pag-unlad ng mga magsasaka at ng agrikultura gayundin ang pagtataguyod ng kasapatan sa pagkain na nakabatay sa self-sufficiency at self-reliance. ###
Sanggunian:
Zenaida Soriano
Pambansang Tagapangulo
Amihan
Photo by Davao Today