Dalawang taon na lamang ang nalalabi sa panunungkulan nu duterte, pero ito’y dalawang taong magpapahaba pang lalo sa listahan ng mga hakbanging kritiko, kriminal at korap ng kanyang rehimen.
Higit na pasakit sa mamamayang bikolano ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa pamilihan. karamihan sa hanay ng ating mga magsasaka at iba pang masang anakpawis ang hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw. napipilitan silang magpakasapat sa isang tasang kape para ibsan sa hapdi ng sikmura bago pumunta sa kani – kanilang trabaho.
Pero hindi marapat ang ganitong kaayusan. karapatan nating mabuhay nang marangal at may dignidad.
Mula sa karapatan sa serbisyong panlipunan, edukasyon, nakabubuhay at regular na trabaho hanggang sa ekonomiyang umaasa sa sarili at hindi nadidiktahan ng imperyalismong US at china, dapat tayong tumindig at lumaban.
Wala tayong aasahan kundi ang ating pagkilos na labanan ang mga iskema ni duterte – – sapat na ang apat na taong nakapakong pangako, pambubuska sa masang anakpawis, pamamaslang, militarisasyon sa mga barangay sa Sorsogon na pumipilay sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Pinakamasahol ang lubusang pagpapatupad ng liberalisasyon sa agrikuktura sa dikta ng WTO kagaya ng bigas na isinabatas noong nakaraang taon o mas kilala bilang Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law na nagwasak sa industriya ng palay at bigas. dahil dito tinanggal ang limit ng pag – angkat ng bigas mula sa ibang bansa. Ibinabasura nito ang mithiin nating magkaroon kasarinlang pang-ekonomiya. bakit nga ba? sino nga ba ang makikinabang sa mga ito? Walang iba kundi ang malalaking dayuhang monopolyo kapitalista, panginoong maylupa at burukrata kapitalistang pinapaboran ng rehimeng Duterte.
Ngayon na ang panahon ng pagtindig, labanan natin ang mga ganitong pakana ni Duterte. Ipaglaban natin ang mga lehitimong karapatan ng mamamayang Pilipino.
Ibasura ang Rice Liberalization Law!