[Polyeto] PRESYO NG BIGAS, IBABA! IMPORTASYON, ITIGIL! PALAY NG MGA MAGSASAKA, BILHIN!

Body: 

Mula pa nakaraang buwan, wala nang mabiling murang NFA rice o yaong mga may presyong P27 at P32 kada kilo sa mga palengke ang mga mahihirap. Kaya, sila ay napipilitan ngayong bumili ng commercial rice sa presyong P40 kada kilo pataas. Naghumiyaw pa ang National Food Authority na wala na silang stock at tatagal na lamang ito ng 2 araw, na ang intensyon lamang ay para bigyan sila ng permiso ng NFA council na mag-import pa ng 250,000 metriko toneladang bigas.

Mula nang pumasok ang Pilipinas sa World Trade Organization (WTO) at Agreement on Agriculture (AoA) nito, ang mga hakbang ng gubyerno at NFA ay pawang pagpapatupad ng liberalisasyon sa agrikultura, o kung saan ang mga pribadong sektor o mga negosyante ang nakikinabang o kumikita, dahil kakarampot lamang ang binibili nitong lokal na palay na ani ng mga magsasakang Pilipino, at panay na lamang ito angkat sa ibang bansa para sa kanyang stock.

Kaya, pawang pribadong sektor, mga haciendero at trader, ang kumokontrol sa suplay ng bigas at kaya nilang idikta ang presyo sa pamilihan, na lalo pang nagpapahirap sa mamamayan. Walang nagbago sa ilalim ng gubyernong Duterte, nangako ito na hindi na mag-aangkat ng bigas pero itinuloy lang nito ang ginagawa ng mga nakaraang presidente, gaya ng importasyon at tumataas na presyo ng NFA rice.

May inangkat na 805,000 metriko tonelada ang gubyerno parating ngayong buwan at sa Agosto, bukod pa sa inaprubahan ni Duterte na 250,000 MT, kaya siguradong babagsak ang presyo ng palay sa mga probinsya dahil lagi itong ginagamit na dahilan ng mga haciendero at trader para baratin ang presyo. Marami na namang maluluging magsasaka at mababaon sa utang, at sa kinalaunan ay mawawalan ng lupang sinasaka.

Dumagdag pa ang Department of Agriculture na akala nito ay nag-aalok ng solusyon sa pagbebenta ng commercial rice na P38 kada kilo. Sa hakbang na ito, itinutulak nitong tanggapin ng mga mahihirap ang mas mahal na presyo ng bigas, sa halip na itulak ang NFA na bumili ng lokal na palay at ibenta ito bilang murang bigas.

Dagdag pasanin ito sa mahihirap at mamamayan, gayung nararamdaman na ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na pamasko umano ni Duterte, at plano pa nitong payagan ang 100% foreign ownership of land, kapaloob sa charter change o cha-cha.

Sa isyung ito, matagal nang sigaw ng mga magsasaka na itigil ng gubyerno ang liberalisasyon sa agrikultura, bagkus, suportahan sila at paunlarin ang agrikultura. Panawagan na nila noon pa na damihan ng NFA ang binibili nitong lokal na palay, itaas ang presyo at itigil ang importasyon. Upang ang nilalaang pondo sa ahensya, mula sa buwis ng mamamayan ay magsilbi sa bayan, at hindi dumiretso bilang kita ng dayuhang bansa at pribadong sektor.

Upang kamtin ang Food Security sa bansa, dapat ipatupad ang Tunay na Reporma sa Lupa, para proteksyunan ang mga magsasaka at mga produktibong palayan at sakahan, suportahan ang pagsasaka sa pamamagitan ng libreng irigasyon, makinarya, post-harvest facilities, puhunan at mataas na presyo ng palay.

Bumaklas sa WTO-AoA!
Itigil ang Liberalisasyon sa Agrikultura!
Tunay na Reporma sa Lupa at
Pambansang Industriyalisasyon, Ipaglaban!
Singilin si Duterte sa pangakong
ititigil ang importasyon sa bigas!

Powered by Drupal